“Maganda ka sana kung maputi ka lang.”
Ito ang pamilyar na linya para sa mga taong lumaki sa lipunan kung saan mas pinapahalagahan ang mapusyaw na kutis. Kasabay ng pamantayang ito, lumalawak din ang saklaw ng social media na siyang pugad para sa nahahating opinyon patungkol sa kung anong kutis nga ba ang superior at alin ang hindi.
Kung tutuusin, hindi problema ang paggamit ng skincare products upang mapangalagaan ang kutis ng isang tao. Karapatan naman ng bawat isa ang magkaroon ng desisyon sa kung anong gagawin nila sa kanilang katawan.
Nagiging krisis lamang ito sa oras na mapinsala ng mga whitening trend, gaya ng malawakang promosyon ng gluta drips, peeling serums, at whitening soaps, ang pagtanggap ng mga Pilipino sa likas na kulay-kayumanggi.
Isang trend man para sa nakararami ang pagtangkilik sa mapusyaw na kutis, ang ganitong pamantayan ay matagal nang nakatatak sa kasaysayan ng bansa.
Noong panahon ng Espanyol pa lamang, umiiral na ang sistema ng pagbubuklod ayon sa kinatatayuan ng isang indibidwal sa lipunan batay sa kanilang hitsura at kulay.
Peninsulares ang bansag sa mga purong Espanyol na nasa pinaka tuktok ng kapangyarihan, sila ang itinuturing na mapuputing banyaga. Sa kabilang banda, mestizo naman ang tawag sa may dugong pinaghalong banyaga at katutubo—sila’y may kutis tisoy na nasa gitna ng lipunan. Habang indio naman ang bansag para sa mga katutubong Pilipino na may likas na kutis-kayumanggi at karaniwang nasa pinaka ibaba ng lipunan.
Mula sa kasaysayan pa lamang, lantad na ang katotohanan patungkol sa kutis ng tao bilang isang payak na batayan ng kinatatayuan sa buhay. Sa kasalukuyan naman, ito ay isang batayan ng kagandahan.
Sa kabila ng lumalawak na adbokasiya para sa pagtanggap ng morenang kutis, nananatiling malaki ang impluwensiya ng mga skin lightening at whitening products sa online marketplace at e-commerce platforms. Sa katanuyan, patuloy na dumarami ang nahuhumaling na mga konsyumer sa mga gantong produkto, bunsod na rin ng mga matunog na marketing advertisements sa social media.
Kung susuriing mabuti, kabilang dito ang samu’t saring kulay ng kahon para sa mga produktong kojic at skin-whitening soaps na patuloy na ibinebenta sa online at retail stores. Ang mga makukulay at samu’t saring packaging na ito ay sadyang idinisenyo upang pumukaw ng mas malaking atensyon mula sa mga mamimili, lalo na ng mga kabataan na madalas gumamit ng internet.
Kaakibat nito ang patuloy na pagiging normalized ng white-skin culture sa social media. Maging sa mga platforms gaya ng Tiktok at Instagram, laganap ang paggamit ng beauty filters na awtomatikong nakakapagpaputi o nakakapagpaliwanag ng kutis ng isang indibidwal.
Sa kabilang banda, habang patuloy na dumadagsa ang mga content na nagpapakita ng mabilis at epektibong resulta ng mga ganitong produkto, unti-unti namang nawawala and natural na anyo at pagkakakilanlan ng mga Pilipino online.
Sa puntong ito, ang mga white-washed beauty filters na ito mismo ang siyang nagsisilbing epektibong instrumento upang mas lumawak ang saklaw ng kanilang mga beauty products. Ang mas masakit na katotohanan, kabilang sa mga produktong naibebenta online ay mga produktong ipinagbabawal ng pamahalaan dahil sa mercury content nito.



